MANILA, Philippines - Magkakaroon na rin ng kindergarten sa mga pampublikong paaralan.
Ibig sabihin, kailangan munang pumasok sa kindergarten ang isang batang mag-aaral bago pumasok sa grade 1.
Ito ay alinsunod sa napagtibay na Republic Act 10157 o Kindergarten Education Act.
Itinatadhana ng nasabing batas ang libreng isang taong public kindergarten education para sa mga batang may edad nang limang taong gulang mula sa araling-taong 2012-2013.
“Ibig-sabihin, lahat ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan, simula sa darating na School Year 2012-2013, ay kailangan nang dumaan sa preschool bilang panimula ng kanilang pormal na pag-aaral,” sabi ni Pangulong Benigno Aquino III sa isang pormal na presentasyon ng batas sa Malacañang. Nilagdaan niya ang batas noong Pebrero 20.