MANILA, Philippines - Isang malakihang kilos protesta ang nakaambang isagawa ng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) sa darating na Marso laban sa lingguhang oil price hike na ipinapatupad ng mga kumpanya ng langis sa bansa.
Ayon kay PISTON National President George San Mateo, sa ngayon patuloy silang nangangalap ng suporta mula sa mga tsuper at mamamayan para sa national protest na ikakasa sa Marso 15.
Sinabi ni San Mateo na importante ngayon na magkaisa hindi lang ang mga nasa sector ng transportasyon ngunit maging ordinaryong mamamayan upang maiparating sa Malacañang ang lubhang paghihirap sa napakataas na halaga ng langis.
Masakit umanong isipin na ang pamahalaan na nangako na ipagtatanggol ang kapakanan ng mga mahihirap ay hindi umaaksyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina lalo pa nang ihayag ng Malacañang na wala silang planong suspendihin ang value added tax (VAT) sa petrolyo.
Bukod sa overpricing sa langis, binatikos din ng grupo ang Pantawid Pasada Program ng administrasyong Aquino dahil limos at pampogi lang aniya ito ng kasalukuyang administrasyon.
Kinontra rin ni San Mateo ang ipinagmalaki ni Pangulong Aquino na pag-unlad ng ekonomiya sa paggunita sa EDSA People Power Revolution kamakalawa dahil lalo lamang aniyang lumala ang sitwasyon ng kahirapan kung ihahambing sa 26 taon na nakaraan. (Ricky Tulipat/Danilo Garcia)