MANILA, Philippines - Nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa mga kinauukulan na higpitan ang monitoring sa mga aktibidades ng mga fraternity, sorority at iba pang uri ng samahan sa mga paaralan matapos masawi sa hazing si Marvin Reglos, first year law student ng San Beda College.
Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs Chairman at Caloocan Bishop Deogracias Iniguez, dapat matugunan ng mga pinuno ng paraalan ang nagaganap na hazing o pagpapahirap sa mga estudyante ng mga fraternities.
Hinimok din ng Obispo ang mga kabataan na magsuri rin ng mabuti sa mga inaaniban nilang samahan at huwag ng ipilit na sumali sa mga organisasyon na may hazing upang hindi sila mapahamak.
Samantala, sinabi naman ni Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, upang hindi mapahamak ang mga anak gaya nang nangyari kay Reglos na nasawi sa hazing, higit na dapat paigtingin pa ng mga magulang ang ugnayan sa kanilang mga anak upang hindi maghanap ng ibang affiliation ang mga bata.
Dagdag pa ni Abp. Cruz na bagama’t wala siyang nakikitang masama sa mga fraternity subalit tiyakin lamang na hindi humantong sa dahas ang pagsali sa mga ganitong samahan.