Pagcor chief pinagbibitiw

MANILA, Philippines - Pinagbibitiw ni Linga­yen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz si PAGCOR Chairman Cristino Naguiat Jr. matapos masangkot sa alegasyon ng suhulan na taliwas sa kampanya ni Pangulong Noynoy Aquino na “tuwid na daan.”

“Dapat magbibitiw siya… nakakahiya ito,” ayon kay Cruz, founder ng Krusadang Bayan Laban sa Jueteng (KBLJ).

Hindi umano magandang tignan na salungat ang ginagawa ng isang opisyal sa layunin ng kanyang pinuno.

Dapat aniyang magkaroon ng delicadeza si Naguiat dahil nalalagay na naman sa kontrobersiya ang PAGCOR.

Una rito, naghabla si Steve Wynn, chief executive ng Wynn Resorts Ltd., laban sa Japanese gambling tycoon na si Kazuo Okada dahil sa paglabag umano sa United States Foreign Corrupt Practices Act.

Si Okada na nagpasok ng US$2 bilyong puhunan para sa Entertainment City sa Manila Bay, ay ina­akusahang gumastos ng US$110,000 para paboran siya ng mga opisyal ng Pagcor.

Sinabing nakasaad sa inihaing reklamo laban kay Okada sa US Securities and Exchange Commission, na ginastusan umano ni Okada ang pamilya ni Naguiat (kasama ang asawa, tatlong anak at yaya) sa pagtuloy ng mga ito sa Wynn Resorts Hotel na nagkakahalaga ng $6,000 bawat gabi.

Pinabulaanan naman ng kampo ni Naguiat ang naturang alegasyon ng pagtanggap ng suhol.

Show comments