MANILA, Philippines - Kailanman, saan man ay mananatiling buhay sa puso ng mga sundalo ang diwa ng EDSA People’s Power 1 dahil sa nakamtang demokrasya ng bansa noong Pebrero 1986.
Ito ang inihayag kahapon ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., matapos ang pagdiriwang kahapon ng ika-26 taong anibersaryo ng EDSA People Power 1 Revolution na pinangunahan ni Pangulong Aquino.
“Our soldier will never forget the promise of EDSA 1, a true democracy and of country which draws strength in the hands of its common citizens”, ani Burgos bilang tugon sa sinabi ni PNoy na obligasyon ng AFP na alagaan ang itinanim ng EDSA 1 matapos makamtan ng bansa ang demokrasya sa mapayapang rebolusyon noong 1986.
Ang AFP sa pangunguna ng noo’y Vice Chief of Staff Lt. Gen. Fidel Ramos at dati ring Defense Minister Juan Ponce Enrile ang namuno sa pagkalas ng suporta sa rehimen ng yumaong si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Noong EDSA People’s Power Revolution ay nahati ang mga sundalo sa dalawang puwersa sa pagitan ng mga loyalista ni Marcos at mga pumanig kina FVR at Enrile. Pero dahil sa pakikiisa ng milyun-milyong Pinoy at ng simbahan ay namayani ang mapayapang rebolusyon na nagluklok sa kapangyarihan kay dating Pangulong Cory Aquino bilang kauna-unahang babaeng Pangulo ng republika.
Ayon kay Burgos, nangangako ang AFP na tutulong ito sa gobyerno ni PNoy upang mapangalagaan ng demokrasya at kasarinlan.