MANILA, Philippines - Hindi na naman nakaligtas ang Hudikatura sa pagbatikos ni Pangulong Benigno Aquino III kasabay ang pagdiriwang ng ika-26 na taong anibersaryo ng EDSA People Power I Revolution kahapon.
Sa talumpati ng Pangulo sa wreath-laying ceremony sa harap ng mga monumento ng kaniyang mga magulang na sina dating pangulong Corazon Aquino at dating Senador Benigno Aquino Jr., sa Intramuros, Manila, pinasaringan na naman ng Pangulo ang hudikatura na tinawag niyang may dalawang mukha.
Ayon sa Pangulo, hindi pa rin tapos ang laban na sinimulan noong unang EDSA People Power I pero tiwala umano siyang makakamit pa rin ang isang bansang malaya sa korupsyon at kahirapan kung saan pantay ang hustisya.
Sinabi ng Pangulo, makalipas ang rebolusyon noong 1986, nananatiling hindi perpekto ang sistema at maraming pagkukulang ang kasaysayan.
Iginiit ng Pangulo na panahon na para pumalag at makilahok para maitama ang pagkakamali bago pa man maging huli ang lahat.
Hindi umano dapat na hayaan ng publiko na linlangin at bulagin ng mga maimpluwensiya at nagsisirko ng batas.
Buo umano ang tiwala ng Pangulo na mapagtatagumpayan ng lahat ang kinakaharap na laban upang makamit ang pagbabago.
Muli ring sinariwa ng Pangulo ang pagpanaw ng kaniyang ina noong 2009 kung saan inalok pa umano sila ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Arroyo na patatayuan ito ng rebulto pero agad nilang tinanggihan.
Mas gugustuhin pa rin umano ng kaniyang inang si Cory na makitang nakatindig ang bayan at malaya sa katiwalian at karahasan kaysa sa mapatayuan ng sariling rebulto.
“May kasabihan po ‘yung mga mas nakakatanda sa akin, ang sabi po nila: konting bato, konting semento: monumento. May dambana nga sa lansangan, wala namang makain sa pinggan. May estatwa nga sa plaza, wala naman trabaho si Juan,” sabi ni Aquino.
Higit umano sa anumang rebulto at pagdiriwang, mas magiging makabuluhan ang paggunita ng EDSA kung kikilos ang lahat upang mapangalagaan ang demokrasya.
Dinaluhan din ang nasabing okasyon nina Vice President Jejomar C. Binay, dating Pangulong Fidel V. Ramos, dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada, Senate President Juan Ponce Enrile, Senator Vicente Sotto III, Senator Gregorio Honasan, Speaker Feliciano Belmonte Jr., AFP Chief of Staff Lt. Gen. Jessie Dellosa at PNP Chief Police Director General Nicanor Bartolome.