MANILA, Philippines - Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa maruming hangin matapos ang pagtaas ng kaso ng respiratory diseases sa kalakhang Maynila.
Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, kailangan nang matigil ang mga aktibidades na nagdudulot ng air pollution na isa sa pangunahing sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas.
Ilan sa mga karaniwang sakit na nakukuha sa air pollution ay ang pagkakaroon ng allergic reactions, acute respiratory infections tulad ng pneumonia, acute bronchitis; chronic obstructive pulmonary disease (COPD), cardiovascular diseases, carcinogenesis, physical damage sa lungs at pulmonary fibrosis.
Kabilang sa 10 nangungunang dahilan ng pagkamatay noong 2008 na may kaugnay sa air pollution ay ang chronic lower respiratory diseases, heart disease at pneumonia.
Nakatakdang magsagawa ang DOH ng Clean Air Act summit na may temang “Usok Mo, Buhay Ko: Clean Air Summit for Metro Manila” sa Pebrero 29.