Kampanya kontra 'boga' sa expired license, ikakasa sa Abril

MANILA, Philippines - Sisimulan na nga­yong Abril 2012 ang malawakang pagkumpiska sa mga expired nang lisensya ng baril.

Sa programang CNEX Forum na ginanap sa Philippine Information Agency, sinabi ni PNP Spokesperson Chief Superintendent Agrimero Cruz Jr. na target ng pinaigting na kampanya “kontra boga” na kumpis­kahin ang tinatayang 400,000 baril na paso na ang lisenya at may 500,000 loose firearms na nasa kamay ng mga kriminal, mga rebeldeng New People’s Army at Moro Islamic Li­beration Front (MILF).

Babala ni Cruz, ang mga mahuhulihan ng expired nang lisensya ng baril ay mahaharap sa paglabag sa Presidential Decree 1866 o illegal possession of firearms at papatawan ng kaukulang parusa na 12-taong pagkakakulong.

“Lahat po nang may expired na license na firearms...nasa stage po tayo nang pagbibigay ng babala o last notice dahil lumampas na po sa 12 months iyong ating (ibinigay na) palugit sa kanila (gun owner),” ani Cruz.

Sa ilalim kasi ng batas, ang mga gun owner ay binibigyan ng anim na buwang palugit upang makakuha ng lisensya para sa kanilang baril at isa pang anim na buwang “warning period” upang mai-renew ang naturang license.

Show comments