MANILA, Philippines - Matitinding lingguhang transport protest ang banta ng militanteng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) dahil sa ginawang pagbasura ng Malakanyang sa kanilang panukala na alisin o suspendihin ang VAT sa langis dahil sa walang tigil na oil price increases.
Ayon kay Piston President Goerge San Mateo, lubhang nadismaya ang kanilang hanay at mga kaalyadong transport groups sa desisyon ni Pangulong Aquino na isnabin ang kanilang kahilingan na tanging last resort para lamang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng halaga ng diesel at gasolina
Bukod dito, kaanib din sila ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa Marso 15 para sa Pambansang Protesta ng Taumbayan bilang pagkondena ng kanilang mga hanay sa kawalang aksiyon ni Aquino sa kanilang kahilingan.
Binigyang diin ni San Mateo na dapat sana ay pinag-aralan muna ng Malakanyang ang kanilang suhestiyon sa halip na ibasura agad ito.
Hindi anya sapat ang Pantawid Pasada program ng pamahalaan para maibsan ang epekto sa kanila ng walang habas na oil price hike.