MANILA, Philippines - “Hearsay” o sabi-sabi lamang ang ilang bahagi ng testimonya ni Justice Secretary Leila de Lima partikular ang sinasabi nitong iregularidad sa ipinalabas na temporary restraining order (TRO) ng Supreme Court tungkol sa paglalagay sa watch list order ng DOJ kay dating Pangulong Gloria Arroyo.
Sa ika-23 araw ng impeachment trial kahapon, iginiit ni Serafin Cuevas, lead counsel ng depensa, na dapat tanggalin o i-strike out ang testimonya ni de Lima tungkol sa nangyaring pagpapalabas ng TRO dahil hindi naman umano nito personal na nasaksihan ang isinagawang en banc session ng SC kaya maituturing na hearsay ang kaniyang testimonya.
Hindi rin umano tama na ang tanging pagtuunan ng pansin ni de Lima ay ang dissenting opinion ni Associate Justice Ma. Lourdes Sereno para sabihin nito na naimpluwensiyahan ni Corona ang ibang mahistrado ng SC.
Sa ipinalabas na ruling ni Enrile, sinabi nito na bagaman at ituturing na hearsay ang mga testimonya ni de Lima tungkol sa dissenting opinion ni Sereno, mananatili pa rin ito sa records ng impeachment court.
Kaugnay nito, susulat na ang prosecution panel kay Justice Sereno upang pakiusapan ito na tumestigo sa Senate impeachment court.
Ayon kay Ilocos Norte Rep. Rodolfo Farinas, mahalaga ang magiging testimoya ni Sereno para patunayan ang kanyang dissenting opinion na direkta umanong nakialam si Corona sa en banc session sa hinihinging TRO noon ng kampo ni Arroyo.