MANILA, Philippines - Walang katotohanan ang ulat na tumanggap ng malaking halaga ng salapi ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) para makapag-operate sa Pilipinas ang Japanese gambling tycoon na si Kasuo Okada ng casino sa Maynila.
Binigyang diin ni Pagcor Chairman at CEO Cristino Naguiat Jr. na inaccurate at walang basehan ang ulat na nakakuha ng provisional gaming license si Okada sa Pilipinas para mag-operate ng integrated resort at casino sa Maynila kapalit ng regalo sa mga opisyal ng Pagcor na may halagang $110,000 cash gifts kahit ayaw ito ng co-founder ni Osaka sa Wynn Resorts na si Steve Wynn.
Sa katunayan anya, nagpaabot pa ng paumanhin si Okada sa pamunuan ng Pagcor dahil sa pagkakadawit ng kanyang tanggapan sa gusot ni Okada at ni Wynn hinggil sa kanilang hindi pagkakaunawaan sa pagkakaroon ng casino development sa Pilipinas na pinag-uusapan ngayon sa Las Vegas.
Batay sa record ng Okada’s group, ang US$110,000 na nailaan nito sa mga business associates ay hindi lamang sa Pilipinas nagamit kundi sa iba pang mga bansa mula 2008 hanggang 2011.
Nilinaw ni Naguiat na kung may malaking nagastos ang grupo ni Okada sa Pagcor noong taong 2008 hanggang 2010, ang tanging makakasagot lamang nito ay si dating Pagcor chairman Efraim Genuino.
Sabi ni Naguiat na bagamat may naipagkakaloob na complimentary accommodations sa mga casino executives sa mga gaming destination, ito anya ay bahagi ng standard industry courtesy at reciprocity na naipagkakaloob din ng Pagcor sa mga casino executives na tutungo ng Pilipinas.
Bagamat mayroon anyang complimentary accommodations ang Wynn Resorts, hindi anya ito makakagastos ng halagang US$110,000 mula Hulyo 2010 hanggang sa kasalukuyan dahil mayroon lamang tatlong official visits ang nagawa ng mga Pagcor executives sa Macau at Las Vegas.