“Makonsensya ka Corona!”
MANILA, Philippines - Ito ang nagkakaisang sigaw ng libu-libong guro sa buong bansa kasabay ng panawagan sa taumbayan na kalampagin ang Punong Mahistrado upang magkusa nang bumaba sa puwesto.
Nanawagan din ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) na bilisan ang paglilitis para magbalik na sa normal ang kalakaran ng katarungan.
“Dapat ipaalaala ng mga taong bayan kay Corona na ipinagkakatiwala lamang sa kanya ang posisyon bilang Chief Jus tice at pinuno ng pinakamataas na korte sa bansa. Wala siyang karapatang angkinin at manatili sa posisyon bilang Chief Justice kung makikitang hindi siya mapapagkatiwalaan,” sabi ni Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers’ Party.
Iginiit ng ACT Tea chers’ Party ang sa tingin nila’y tamang pamantayan para sa pinuno ng Korte Suprema.
Ayon sa grupo, ang Korte Suprema ang inaasahan ng taongbayan na magbababa ng hatol sa mga may bahid ng kamalian at paglabag ng batas ng bansa. Dahil dito, dapat anilang marangal at malinis ang mga hukom na magbibigay ng hatol dahil kung hindi, masisira ang kredibilidad ng Korte Suprema.
Pinuna rin ng ACT Teachers’ Party ang tila pag-ilag at pag-iwas ni Corona sa pagsisikap ng mga kinatawan ng taongbayan na maibunyag ang katotohanan.
Bilang nangunguna’t namumunong hukom sa pinakamataas na korte ng bansa, dapat umanong ang Chief Justice walang tinatago, walang nililihim.
Idinagdag pa ng grupo hindi maiiwasan ng mga tagapagtanggol ni Corona ang simple’t payak na tanong at ito’y kung karapatdapat pa bang Chief Justice si Corona?