Hapones magtatayo ng mga iskul sa ruta ng 'Death March'
MANILA, Philippines - Tinanggap kahapon ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) ang alok ng isang pilantropong Hapones na magtayo ng mga silid-aralan sa mga paaralan na nasa ruta ng “death march” sa Bataan.
Bukod dito, pormal na tinanggap rin ng DepEd ang donasyon na apat na silid-aralan na ipinatayo ng pilantropong si Katsutoshi Shimizu sa pamamagitan ng kanyang R.K. Shimizu (Nagasaki) Foundation. Itinayo ang apat na silid-aralan na kumpleto ng palikuran, Japanese garden, computer units , telebisyon, silya at armchairs sa Bantan Elementary School sa Orion Bataan at sa Angelina Jimenez Elementary School sa Capas, Tarlac.
Ang naturang donasyon ay sa ilalim ng “Adopt-A-School program” na nag-iimbita sa mga pribadong sektor na magbigay ng donasyon para sa pagpapatayo ng paaralan sa bansa. Bukod sa naunang mga paaralan, una nang nagpatayo ang RK Shimizu Foundation ng gusaling paaralan sa Talisay at Calatagan, Batangas.
Sinabi ni DepEd Secretary Armin Luistro na ang naturang donasyon ay tanda ng tuluyang paghilom ng mapait na alaala ng “death march” ng mga sundalong Pilipino at Amerikano mula sa Bataan na ipinatupad ng mga mananakop na sundalong Hapones.
Nangako rin si Shimizu na magtatayo pa ng mga karagdagang silid-aralan sa iba pang paaralan na nasa ruta ng “death march”. Naniniwala ito na ang pinakamabisang paraan para bayaran ang pamahalaan ng Pilipinas dahil sa 40 taong pagnenegosyo niya sa bansa ay ang pagtatayo ng mga paaralan at bigyan ng edukasyon ang mga batang Pilipino.
- Latest
- Trending