Piyansa ni Abalos inisnab uli ng korte
MANILA, Philippines - Hindi napigilan ni dating Commission on Election (Comelec) Chairman Benjamin Abalos, Sr. na mapamura dahil sa tindi ng hinanakit nang ipagpaliban ni Pasay City Regional Trial Court branch 117 Judge Eugenio Dela Cruz ang pagbababa ng desisyon sa mosyon na makapagpiyansa ito sa kasong electoral sabotage na hiwalay na isinampa ng dalawang babaeng opisyal ng Comelec sa Mindanao.
Itinakda muli ang pagdinig sa mosyon sa Marso 5 kasabay ng gagawing pagbasa ng sakdal laban sa kanya matapos pagbigyan ang hirit ng kampo ng prosekusyon na mabigyan sila ng tatlong araw para makapagprisinta ng testigo na magpapatunay na sangkot ang dating chairman sa pananabotahe sa 2007 election kaya’t hindi siya dapat makapaglagak ng piyansa.
Una ng iginiit ni Atty. Brigido Dulay, abogado ni Abalos sa korte na kung walang sapat na ebidensiyang maipi-prisinta ang tagausig ay kailangang payagan na ang kanyang kliyente na makapaglagak ng piyansa dahil karapatan ito ng lahat ng nasasakdal sa ilalim ng Saligang Batas.
- Latest
- Trending