De Lima unang testigo sa Article 7
MANILA, Philippines - Humarap kahapon sa impeachment court si Justice Secretary Leila de Lima bilang testigo ng prosekusyon sa ika-22 araw ng trial ni impeached Chief Justice Renato Corona sa Article 7 na may kaugnayan sa pagpapalabas ng Supreme Court ng temporary restraining order sa desisyon ng Department of Justice (DOJ) na ilagay sa watch list sina dating Pangulong Gloria Arroyo at asawa nitong si Atty. Mike Arroyo.
Inaakusahan ng prosekusyon ng “partiality” si Corona dahil sa pagpapalabas ng TRO na pumapabor sa mga Arroyo na makalabas ng bansa upang matakasan umano ang mga kinakaharap na kaso.
Inamin naman ni de Lima na hindi lamang si Corona ang nag-iisang gumawa ng resolusyon na naging daan para sa pagpapalabas ng TRO.
“No. (there is) no resolution, orders or processes from (the) SC which was issued alone by the respondent,” sagot ni de Lima sa tanong ni Senate President Juan Ponce Enrile kung kaya ba ni Corona na mag-isang magpalabas ng desisyon.
Ipinunto naman ni Serafin Cuevas, lead counsel ni Corona, na iisa lamang ang boto ng chief justice at hindi nito kayang magpalabas mag-isa ng TRO.
Itinanggi naman ni de Lima na inutusan siya ng Malacañang na pigilan ang pagbiyahe ni Arroyo sa ibang bansa.
- Latest
- Trending