PACER binuwag na

MANILA, Philippines - Binuwag na kahapon ang Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) na pangunahing tumututok sa mga kaso ng kidnapping for ransom (KFR) sa bansa.

Sinabi ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome, sa pamamagitan ng Napolcom En Banc Resolution 2012-027 ay itinatag naman ang bagong PNP Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG), ang national operating support unit na ipinalit sa PACER.

Ang PNP-AKG ang magsisilbing pangunahing unit na hahawak sa mga kaso ng KFR at bukod dito ay sasabak rin ang mga ito sa hostage negotiation sa buong bansa.

Si Sr. Supt. Isagani Nerez, na nagsilbi ring hepe ng PACER ang mamumuno sa PNP-AKG.

Nabatid na magkakaroon rin ito ng mga satellite stations sa ilang mga piling lugar sa bansa na popondohan para makapagsagawa ng mas pinaigting na operasyon kontra kidnapping for ransom upang matuldukan ang naturang mga kaso kabilang ang kidnapping na kinasangkutan ng Abu Sayyaf Group sa Mindanao Region.

Ang PACER ay binuo noong Hulyo 27, 2002 na humawak ng kabuuang 373 kaso ng kidnapping.

Show comments