Impeachment vs del Castillo may probable cause - House
MANILA, Philippines - Lusot na sa House Committee on Justice ang impeachment complaint laban kay Supreme Court (SC) Associate Justice Mariano del Castillo.
Sa botong 38-10, idineklara ng komite na may probable cause ang reklamo ng Malaya Lolas kaugnay ng plagiarism o pangongopya ng Mahistrado sa bahagi ng pinonenteng desisyon sa kaso ng comfort women.
Betrayal of public trust ang ground ng complain na itinuturing na catch all phrase para sa mga paglabag o maling nagawa ng isang impeachable official.
Bagaman tinangka nina Albay Rep. Edcel Lagman at Zambales Rep. Milagros Magsaysay na ipadeklarang walang probable cause ang reklamo, subalit natalo sila.
Iginiit ni Lagman na wala ng hurisdiksyon ang komite sa reklamo dahil napaso na umano ang 60-session days para sa disposisyon dito samantalang nakiusap naman si Minority leader Danilo Suarez na ipagpaliban muna ang botohan dahil ooperahan sa puso si del Castillo at maari itong makaapekto sa kalusugan ng mahistrado.
Iginiit naman ni Magsaysay na mismong ang mga lola na complainant na ang nagsabi na hindi nila gustong mapatalsik si del Castillo kundi gusto lamang nito na mabaligtad ang pagbasura ng Korte Suprema sa kaso ng comfort women case.
Dahil dito kaya i-aakyat na sa plenaryo ang nasabing reklamo at dito na muling pagbobotohan kung iaakyat sa Senado ang impeachment complaint o ibabasura na lamang. (Gemma Garcia/Butch Quejada)
- Latest
- Trending