Testigo sa Article 3 ibinasura ng impeachment court
MANILA, Philippines - Mistulang nabugbog kahapon ng husto sa ika-21 araw ng impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona ang prosekusyon matapos ang sunod-sunod na lecture na natanggap mula kay Senate President Juan Ponce Enrile na tumatayong presiding officer at hindi rin nito tanggapin ang iniharap na testigo sa Article 3.
Hindi pinagbigyan ni Enrile si prosecutor at Cong. Sherwin Tugna sa pagpiprisinta kay Enrique Javier, vice president for sales ng Philippine Air Lines (PAL) na tetestigo sana sa mga diumano’y natanggap na pribilehiyo ni Corona at asawa nito sa pagbibiyahe sakay ng PAL.
Binasa pa ni Enrile ang mga alegasyon sa Article 3 at wala itong nakitang koneksiyon sa magiging testimonya ni Javier tungkol sa mga regalo at pribilehiyong natanggap umano ni Corona at asawa nito mula sa PAL.
Una rito, iginiit ni Atty. Serafin Cuevas, lead counsel ng depensa, na dapat ibasura ang testimonya at ebidensiyang nais iharap ng prosekusyon dahil wala naman umano itong kaugnayan sa Article 3 ng impeachment complaint.
Hindi rin nakahirit pa si private prosecutor Marlon Manuel na may kaugnayan ang testimonya ng PAL official sa Article 3 matapos sabihin ni Enrile na nagdesisyon na ang korte.
Ayon kay Enrile, pinapalawig ng prosekusyon ang sakop ng Article 3 at hind ito maaaring gawin kung hindi aamiyendahan ang Articles of impeachment.
Iginiit ni Enrile na hindi naman kasama sa Article 3 ang bribery o pagtanggap ng suhol na lumalabas na nais patunayan ng prosekusyon sa pagpiprisinta ng testigo mula sa PAL.
Ang tanging nakasaad sa Article 3 ay ang culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust kung saan ginamit pa ng prosekusyon ang Article VIII, Section 7 ng Konstitusyon kung saan nakasaad ang mga katagang “member of the judiciary must be a person of proven competence, integrity, probity, and independence.”
Maging si lead prosecutor Niel Tupas ay nalektyuran din ni Enrile kung saan tahasan pang sinabi nito na basura ang ebidensiya ng prosekusyon sa Article 3.
Bagaman at tinanggap ni Enrile ang ebidensiyang nais iprisinta ng prosekusyon tungkol sa mga biyahe ni Corona mananatili lamang umano itong manifestation at titingnan ng korte sa tamang panahon.
Sinabi rin ni Enrile na dapat ibalik ni Tupas sa House of Representatives ang Articles of Impeachment kung nais nitong isama ang bribery sa Article 3.
Sinabi pa ni Enrile na dapat ay binasa muna ng prosekusyon ang nilalaman ng kanilang article of impeachment bago ito dinala sa impeachment court.
Muli namang hihilingin ng prosekusyon na ikonsidera ang pagharap ni Javier ngayong araw dahil ang pinag-uusapan umano dito ay ang kawalan ng integridad ni Corona dahil sa pagtanggap nito ng pabor. (Malou Escudero/Gemma Garcia)
- Latest
- Trending