CJ tapusin na! - Muslim group
MANILA, Philippines - Ilang grupo ng mga Muslim na Pilipino ang nanawagan sa mga Senator-Judges na tapusin na sa lalong madaling panahon ang impeachment trial kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona upang makahirang na ng mas mapagkakatiwalaang punong mahistrado.
Nanawagan din si Anak Sug Association at Unity for Revival Foundation President Shariff Ibrahim Albani na linisin ang Mataas na Hukuman at ang buong hudikatura sa bansa.
“Naniniwala kaming dapat maging malinis ang Punong Mahistrado at walang anumang inililihim. Ang Chief Justice, dapat malinis, walang itinatago, walang nililihim,” sabi ni Albani.
Sinabi pa ni Albani na umaasa ang Anak Sug Association na ipapakita ng mga senator-judges ng impeachment court na sila ang tunay na kinatawan ng mga taong bumoto sa kanila.
Ang grupo ni Albani ay merong 400,000 miyembro sa Sulu, Tawi-Tawi, Basilan, at Zamboanga Peninsula.
Idiniin ni Albani na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Supreme Court ang Shari’ah Law o Muslim law kaya tungkulin ng bawat Muslim na suportahan ang mga hakbang na linisin ang Mataas na Hukuman laban sa imoralidad at itaguyod ang pagiging disente.
Hinikayat ni Albani ang mga senator-judge na manindigan sa paghahanap ng katotohanan kahit merong mga pagtatangka na itago ang lahat ng impormasyong magpapatunay na hindi karapatdapat maging punong mahistrado si Corona.
“Pagkatapos ng impeachment trial, umaasa kaming masasagot ng Impeachment Court ang simpleng tanong: Mapagkakatiwalaan pa ba natin si Chief Justice Corona pagkatapos matuklasang inililihim niya ang katotohanan? Karapatdapat pa bang maging punong mahistrado si Corona?” dagdag ni Albani.
- Latest
- Trending