MANILA, Philippines - Na-stranded lamang umano sa landslide at walang katotohanan ang napaulat na pangho-hostage ng Cafgu Active Auxiliary (CAA ) sa 12 reporter sa bayan ng Bayug, Zamboanga del Sur kahapon ng umaga.
Ito ang ginawang paglilinaw kahapon ni Army Spokesman Major Harold Cabunoc na pinasubalian ang paratang ni dating radio reporter Lito Pedrano na hinostage ng mga CAFGU ang nasa 12 reporter na miyembro ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP).
Sa reklamo sa isang himpilan ng radyo ni Pedrano, hinostage umano ng grupo ng mga CAFGU ang 12 reporter na nakabase sa Pagadian City, Zamboanga del Sur matapos ang mga itong harangin sa checkpoint sa Brgy. Ginuman, Bayugan habang patungo sa coverage sa isang demolition site sa mga kabahayan sa isang mining site sa nasabing lalawigan.
Sinabi ni Cabunoc na agad inatasan ni AFP Western Mindanao Command Major Gen. Noel Coballes si Army’s102nd Infantry Brigade Lt. Col. Nasser Pendatun na iberepika at imbestigahan ang insidente hanggang sa nabatid na na-stranded lamang ang mga ito sa landslide at hindi ginawang hostage ng CAFGU.