MANILA, Philippines - Posibleng nailabas na umano ng Pilipinas ng pamilya ni Chief Justice Renato Corona ang milyones na nai-withdraw noong Disyembre na araw na inihain ng House Justice Committee ang impeachment complaint sa Kamara.
Ito ang pangamba ni Akbayan Rep. Walden Bello matapos ang testimonya ni PSBank Katipunan branch manager, Annabelle Tiongson noong nakaraang linggo kung saan sinabi nito na ang tatlong time deposit accounts ni Corona na naglalaman ng P32.6 milyon ay isinara na noong December 15, 2011.
Ayon kay Bello, kailangang manmanan ito ng gobyerno dahil kung mapapatunayang ill-gotten wealth ang salapi ay nararapat itong kumpiskahin ng pamahalaan.
Nakakapanghinayang umano ang tagumpay ng inaani ng taumbayan sa bawat pagkakaungkat ng hindi deklaradong yaman ni Corona kung maipupuslit lamang ang salapi nito subalit base naman sa pahayag ng depensa, ang na-withdraw sa time deposit ay sa kumpanyang Basa-Guidote Enterprises na subject ng litigasyon.
“Question now is whether the P12.02 million in BPI had not also been withdrawn by Corona alongside the three PSBank TD accounts he closed in a jiffy and now tries to lamely explain as money belonging to Basa Guidote Enterprises, Inc., a company purportedly owned by his wife’s family,” ayon pa kay Bello.