Bagong form ng SALN pinasisilip
MANILA, Philippines - Nais matiyak ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel Jr. na naaayon sa batas ang bagong form ng statement of assets, liabilities and net worth (SALN) na sisimulang gamitin ngayong taon ng Civil Service Commission (CSC).
Sa Senate Resolution 710 na inihain ni Pimentel, sinabi nito na dapat matiyak na ang bagong form ay sumusunod sa kasalukuyang batas at hindi ito isang pahirap sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno.
Hindi umano dapat maging kumplikado ang bagong SALN kung saan kakailanganin pang kumonsulta sa abogado o accountant ang magpa-file nito.
“Such a complex form might lead to useless or unjustified complaints for violation of the law requiring the filling of the SALN, which could be the product of inadvertence, confusion, or honest mistake or misapprehension of difficult legal concepts,” sabi ni Pimentel sa kaniyang resolusyon.
Sa bagong form ng SALN, dapat ideklara ang mga personal properties at kung tangible o intangible ito at kung kailan nabili o nakuha.
Kinakailangan ding ideklara kung anong klaseng utang o liabilities mayroon ang isang declarant at kung kanino ito nangutang at magkano ang oustanding balance.
Ipinadedeklara rin sa bagong SALN na wala sa luma ang mga personal na gastos ng kawani at ang kabuuang gastos ng kanyang pamilya, ang halaga ng binayaran nitong buwis, halaga ng kanyang kinita at saan ito galing.
- Latest
- Trending