BALER, Aurora, Philippines - Nililigawan na ba ni Pangulong Aquino ang boto ni Senator-Judge Edgardo Angara?
Personal na nagtungo si Pangulong Aquino sa ika-33 taong anibersaryo ng Aurora bilang independent province kung saan ay sasalubungin siya ni Senator-Judge Edgardo Angara, anak nitong si House prosecution panel spokesman Rep. Juan Edgardo Angara at Gov. Bellafor Angara-Castillo.
Iginiit naman ni Aurora Rep. Sonny Angara na walang kulay pulitika ang pagbisitang ito ng Pangulo sa kanilang bayan at lalong walang kinalaman dito ang anumang magiging boto ng kanyang ama na si Sen. Angara.
Pangungunahan din ng Pangulo ang inagurasyon ng Aurora Memorial Hospital sa Bgy. Reserva ng bayang ito.
Ipinagdiriwang din ng lalawigan ang ika-124th kaarawan ni Dona Aurora Aragon-Quezon, ang maybahay ng Commonwealth President Manuel Luis Quezon.
Magugunita na inutusan ni Pangulo ang kanyang mga Gabinete na iwasang makipagpulong o makipag-usap kaninumang senator-judges upang hindi pagdudahan ang gobyernong Aquino na ‘ginagapang’ ang mga hukom na lumilitis sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona sa Senado.