89 OFWs sa Saudi nag-aklas!
MANILA, Philippines - May 89 overseas Filipino workers (OFWs) ang nagprotesta laban sa kumpanya na kanilang pinapasukan dahil sa panggigipit at pagmamaltrato sa Saudi Arabia.
Ayon kay Migrante Middle East regional coordinator, John Leonard Monterona, ang 89 OFWs ay kabilang sa mga manggagawang Asyano na nag-aklas laban sa kanilang employer na Al Swayeh Company sa Riyadh.
“Kami po ay empleyado ng Al Swayeh Company dito sa Riyadh, Saudi Arabia na humihingi ng agarang tulong para sa aming pag-uwi dahil sa di makataong pagtrato ng aming employer,” panawagan ni Absalon Paat, isa sa mga nagigipit na OFWs.
Nauna rito, nagpadala na ng liham ang mga Pinoy sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh noong Oktubre 15, 2011 at inilahad ang kanilang mga reklamo tulad ng hindi pagbibigay ng sahod ng kanilang employer sa loob ng limang buwan (Mayo, 2011 hanggang sa kasalukuyan), ang hindi pa naibibigay na sahod ng taong 2010 ng ibang manggagawa, hindi pag-renew ng kanilang medical insurance, at ang pagbabalewala sa kahilingan nila na makapagbakasyon o makaalis sa Saudi na umabot na sa isang taon.
- Latest
- Trending