MANILA, Philippines - Nagisa ng abogado ni Grace Ibuna si Alicia Rita Arroyo, asawa ng namayapang Congressman Iggy Arroyo kaugnay ng ginawang pagdinig ng Quezon City court hinggil sa kung kanino mapupunta ang labi ng mambabatas.
Sa ginanap na hearing sa sala ni QC RTC Judge Eleuterio Bathan ng branch 92, tinanong si Alicia ni Atty. Leonard de Vera, abogado ni Ibuna, kung kinausap ng una ang huli hinggil sa kasalukuyang karamdaman ng mambabatas habang nasa London.
Sinabi ni Alicia na ayaw niyang makipag-usap sa mistress na nagnakaw sa kanyang asawa.
Una nang giniit ni Alicia sa QC Court na alisin ang TRO at magpalabas ang korte ng utos na sa tunay na asawa ng mambabatas dapat maihimlay ang labi ni Iggy.
Sa hearing, sinabi ni de Vera na mayroong dalawang 2009 notarized documents ang iniwan ni Iggy. Isa ay “advanced healthcare directive” na nakapangalan kay Ibuna at anak na si Bernardina Arroyo Tantoco, na tatayong agent niya kapag hindi na nito kayang magdesisyon para sa sarili. Mayroon din anyang iniwang declaration of trust si Iggy na nakapangalan kay Tantoco, anak sa unang asawang si Marilyn Jacinto, bilang trustee at mangangasiwa sa kanyang yaman hanggang sa malagutan ng hininga si Ibuna.
Niliwanag naman ni Alicia na noon anyang 1990s ay sinabi sa kanya ni Iggy na kung mawawala sa mundo ay sa kanilang bahay ililibing. Bumili pa anya ito ng lote sa Loyola Memorial Park kung saan nakahimlay ang kanyang kapatid at mga kaanak.
Sinabi din nito na noong iwan siya ni Iggy noong June 2006 hindi na niya naalagaan ang asawa dahil ito ay kasama na ni Ibuna at mula noon ay nakakakuha lamang siya ng balita mula sa asawa dahil sa ibang tao.
Naikuwento din ni Alicia sa korte na sinabi sa kanya ni Iggy na wala itong nais na makasama kundi si Ibuna at mula anya noon ay si Ibuna na ang nakakaalam ng lahat ng bagay patungkol kay Iggy at si Grace anya ang nagbabawal kay Iggy na dalawin nito ang anak kay Alicia.
Hindi naman napatotohanan ni Alicia sa korte na siya ay isang mapagmahal na asawa.