Impeachment trial matatapos sa Marso 23
MANILA, Philippines - Malaki ang kumpiyansa ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III na matatapos ang impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona bago magbakasyon ang Senado sa Marso 23.
Ayon kay Sotto, malaki ang posibilidad na hindi na dinggin ang lahat ng 8 Articles of Impeachment base na rin sa mga napaulat na pahayag ng prosecution team kaya mas mapapadali ang trial.
“Malaki pa ang posibilidad na matapos ang trial on March 23, before Lenten break,” ani Sotto.
Sa Lunes ang ika-20 araw ng paglilitis laban kay Corona.
Sinabi ni Sotto na nagtagal lamang pagtalakay sa Article 2 pero mas bibilis na ang trial sa mga susunod na linggo.
“Ito kasing Article 2 ang pinaka-highlight ng case, iyong iba madali na kung tutuusin,” ani Sotto.
Nakapaloob sa Article 2 ang statement of assets, liabilities and Net Worth (SALN) ni Corona, kung saan binubusisi ng husto ang mga kayamanan ni CJ Corona.
Inihayag din ni Sotto na pagkatapos ng Article 2 ay posibleng dalawa o tatlong articles na lamang ang tatalakayin sa impeachment court.
- Latest
- Trending