MANILA, Philippines - Hinihintay na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pormal na tugon ng pamahalaang Argentina sa pamamagitan ng Argentine Ministry of Foreign Affairs hinggil sa inihaing “diplomatic protest” ng Pilipinas dahil sa ginawang pagkuyog at pananakit sa Pinoy boxer na si Johnriel Casimero, 22, at mga kasamahan nito matapos ang kanyang matagumpay na laban kontra Argentine boxer sa Buenos Aires noong nakalipas na linggo.
Ayon kay DFA Spokesman Raul Hernandez, gumagawa na ng aksiyon ang DFA upang tugunan ang ipinasang resolusyon ng Senado na nag-aatas sa pamahalaang Argentina na magpaliwanag at i-recall ang Ambassador ng Pilipinas sa Buenos Aires.
Sinabi ni Hernandez na sumulat na sila sa Senado at nagbigay ulat hinggil sa aksiyon ng Embahada kaugnay sa nasabing naganap na riot matapos ang bakbakan sa loob ng ring sa pagitan ni Casimero at Argentine boxer Luis Alberto Lazarte, 40-anyos.
Ani Hernandez, agad nilang ipinatawag si Argentine Ambassador to Manila Joaquin Otera upang pagpaliwanagin sa ginawang pananakit kay Casimero, trainer nito at iba pang mga kasamahan nito matapos na manalo sa laban at makuha ang IBF Interim Junior Flyweight belt sa dating world champion na si Lazarte noong Pebrero 11.
Pinag-aaralan na rin ng DFA ang demand ng Senado na sibakin si Phl Ambassador to Argentina Rey Carandang dahil sa alegasyon na wala umanong ginawang aksiyon ito upang kondenahin ang ginawang pananakit sa mga Pinoy sa nasabing bansa.