Impeachment trial 'wag harangin!
MANILA, Philippines - Hinamon ni Camarines Sur Gov. Lray Villafuerte at mga kapwa gobernador ng Bicol si Chief Justice Renato Corona na kung walang bahid ng korapsiyon ang kanyang pagkatao ay huwag niyang hadlangan ang impeachment trial.
Tugon ito ni Gov. Villafuerte kasunod ng petisyon para sa temporary restraining order (TRO) ng defense panel sa Korte Suprema na humihiling na ipatigil ang trial ni Corona.
“Nakikinig at tinututukan ng mga taong bayan ang impeachment. Hindi tutoong nawawalan na sila ng interes at gusto nilang malaman ang katotohanan. Gusto nilang masagot ang simpleng katanungan, karapatdapat pa bang manatili na Chief Justice si Corona? Kung gustong patunayan ni Chief Justice na wala siya ni bahid ng korapsyon, huwag niyang hadlangan ang impeachment trial at payagang suriin ang dapat suriin,” sabi ni Villafuerte.
Kahapon napabalita na umusad na ang petisyon para sa TRO at napunta kay Supreme Court Associate Justice Martin Villarama ang pagpo-ponente sa petition.
Unang napunta kay Associate Justice Estela Perlas-Bernabe ang petisyon for TRO ni Corona, pero tinanggihan niya ito. Napunta kay Villarama ang pagde-desisyon sa petisyon, na isang appointee ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Si Villarama at siya ang huling appointee sa Supreme Court na bumuo ng sinasabing Arroyo Court.
Ayon kay Villafuerte na nagkaisa sila nina Edgardo Tallado (Camarines Norte), Raul Lee (Sorsogon), Rizalina Seachon-Lanete (Masbate), at Joseph Cua (Catanduanes) na tutulan ang pagpapatigil sa impeachment ni Corona.
“Sa dami ng paliko-likong at nakapang-lilito na ligalidad sa impeachment court, baka makalimutan po natin na iisa lang ang pinaka-importanteng katanungan: Mapapagkatiwalaan pa ba si Corona bilang Chief Justice?” sabi pa ni Villafuerte.
- Latest
- Trending