3 accounts ni Corona 'nilinis'
MANILA, Philippines - Tatlong peso accounts ni Chief Justice Renato Corona sa Philippine Savings Bank ang biglang isinara matapos itong ma-impeach sa House of Representatives.
Base sa testimonya ni Annabelle Tiongson, branch manager ng PS Bank, isinara ni Corona ang kaniyang account number 089121019593 noong Disyembre 12, 2011, ang araw na na-impeached ng Kamara si Corona.
Ang nasabing bank account ay binuksan noong Dis. 22, 2009 at may initial deposit na P8.5 milyon na naging P12,580,316 noong Dis. 31, 2010.
Isinara rin umano ni Corona ang isa pa niyang account na naglalaman ng P17 milyon doong Dis. 12, 2011. Ang nasabing account ay hindi kasama sa limang peso accounts na ipina-subpoena ng impeachment court.
Ang ikatlong account na isinara ni Corona noong Dis.12, 2011 ay ang account number 089121021681 na binuksan noong Setyembre 1, 2010 at may initial deposit na P7,090,099.45.
Bukod sa mga nabanggit na isinarang accounts, ang iba pang bank accounts ni Corona ay ang 089121017358 na binuksan noong Enero 26, 2009 na may depositong P2,100,000 at isinara noong April 16, 2009; account number 089121020122, binuksan noong Marso 4, 2010 na may initial deposit na P3,700,000 na isinara noong Abril 23, 2010; at ang pinakahuli ay ang 089121011957 na binuksan noong Mayo 16, 2007 na may initial deposit na P2M at isinara noong Oktubre 2, 2008 kung saan naging P5,018,255.56.
Samantala, pinuna naman ni Sen. Jose “Jinggoy” Estrada ang biglang pagsasara ng tatlong bank accounts noong araw na ma-impeached umano si Corona at nakakapagtaka umano ang ginawa nito.
- Latest
- Trending