Pakikialam ni PNoy sa CJ impeachment, sapat na basehan para ma-impeach - solon
MANILA, Philippines - Sapat na umanong rason ang lantarang pakikialam sa impeachment proceedings laban kay Chief Justice Renato Corona upang sampahan ng impeachment complaint si Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon kay Siquijor Rep. Orlando Fua, kailangang mapatunayan muna o may magkumpirma mula sa senador sa ulat na alok na P100 milyon kapalit ng pagpabor o pagboto ng mga ito sa impeachment.
Paliwanag pa ng kongresista, ang lantaran umanong pakikialam ng pangulo sa impeachment proceedings ay katulad na rin ng pagbalewala sa konstitusyon.
Pinuna din ni Fua ang panenermon umano ni Presidential spokesman Edwin Lacierda sa mga opisyal ng Philippine Savings Bank (PSBank) kaugnay sa magkasalungat na pahayag sa bank documents ni Corona.
Giit nito, hindi na ito kasalan ng bangko kundi ng prosekusyon dahil hindi nila ginagawa ang kanilang assignment na himayin muna ang mga dokumento at kausapin ang testigo bago ito iharap sa impeachment tribunal.
Nauna nang inihayag ni Lacierda na dapat mag- usap sina PS Bank President Pascual Garcia at Katipunan Branch Manager Anabel Tiongson para ayusin ang pagkakaiba ng pahayag at hindi mapunta sa wala ang ipinaglalaban ng bansa.
Naniniwala rin si Lacierda na tunay at hindi pineke ang bank documents dahil tugma ang nakasaad dito sa account numbers sa itinestigo ni Garcia.
Idinagdag pa ni Fua na kung hindi talaga nakikialam ang Malakanyang sa impeachment trial ay dapat hindi na nagkokomento ang mga opisyal ng pangulo tungkol sa naturang kaso.
- Latest
- Trending