Abu Sayyaf kumander tiklo
MANILA, Philippines - Bumagsak sa pinagsanib na elemento ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at Intelligence Unit ng Philippine Air Force (PAF) ang isang Sub-Commander ng mga teroristang Abu Sayyaf Group sa operasyon sa Zamboanga City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni PNP- CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr., ang nadakip na suspek ay si Abdulhan Ussih alyas Jeron, 28, residente ng Vajada Meramar, Sinunoc ng nasabing lungsod.
Ayon kay Pagdilao, si Ussih ay kabilang sa most wanted na kriminal na may patong sa ulong P 3.3 M.
Sinabi ni Pagdilao na si Ussih ay ikatlong ASG terrorist na nahulog sa kamay ng pinagsanib na elemento ng PNP-CIDG at AFP operating units matapos una nang masakote sina Harun Jaljalis alyas Abu Indal sa Basilan noong Enero 26 at Sonny Bakim Barahim alyas Abu Ismael ng Isabela City, Basilan noong Enero 17; pawang ng taong ito.
Ayon kay Pagdilao, bandang alas-6 ng gabi nang masakote si Ussih, alyas Black Tungkang ng arresting team ng 9th Regional Criminal Investigation and Detection Group (RCIDG) 3rd Air Division ng Philippine Air Force (PAF) at ng lokal na pulisya sa Zamboanga Public Market. Inaresto ang suspek sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng korte sa kasong kidnapping at serious illegal detention.
Nabatid na ang suspek ay Sub-Commander ng lider ng Abu Sayyaf na si Commander Radulan Sahiron alyas Putol na nakabase sa Sulu na nagsilbing liaison ng teroristang grupo na siyang humahawak ng pondo para sa food supplies ng mga bandido simula 2001 hanggang 2003.
- Latest
- Trending