MANILA, Philippines - Pinatatahimik ng oposisyon sa Kamara si Pangulong Aquino sa pagbibigay nito ng komento sa merito ng mga kasong isinampa laban kay Chief Justice Renato Corona.
Kasunod ito ng pahayag ng Pangulo na sapat na umano ang peso accounts ni Corona upang ma-convict ito at mapatalsik sa puwesto.
Sinabi ni Suarez na hindi nararapat para sa Pangulo na magbigay ng mga ganitong pahayag lalo pa at umuusad naman ang proseso sa impeachment court.
Giit pa nito hindi naman umano patas kung magbobotohan na ang mga Senator-Judges samantalang hindi pa binibigyan ng pagkakataon ang depensa na maipaliwanag ang kanilang panig.
Para kay Suarez ang pahayag ng Pangulo ay mistulang pakikialam sa proseso ng paglilitis at pagbibigay ng kumpas sa kaniyang mga kaalyado sa Senado na i-convict na si Corona.
Dahil dito kayat nanawagan pa si Suarez sa Pangulo na igalang ang proseso at huwag diktahan ang kaniyang mga kaalyado sa kamara.
Samantala, itinanggi ng Malacañang na nanawagan si Pangulong Aquino sa mga senator-judges na huwag sundin ang temporary restraining order (TRO) ng Korte Suprema para mabuksan ang dollar account ni Corona.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, ang sinabi ng Pangulo ay walang hurisdiksyon ang Korte Suprema na magpalabas ng TRO sa Senado bilang impeachment court.
Dahil sa ginawang pahayag na ito ni Corona ay puwede umanong patawan siya ng contempt dahil sa ‘false claims’.