MANILA, Philippines - Tinapos na kahapon ng House committee on justice ang pagdinig sa impeachment complaint na kinakaharap ni Supreme Court Associate Justice Mariano del Castillo.
Sa Martes ay magbobotohan na kung mayroong probable cause ang reklamo bago ipadala sa plenaryo upang muling pagbotohan.
Kailangan ng absolute majority ng Justice committee o 28 boto (mahigit kalahati ng 55 kabuuang miyembro ng komite) upang maaprubahan na mayroong probable Sa botohan sa plenaryo ay kailangan naman ng 95 boto upang maiakyat ito sa Senado na magsasagawa ng impeachment trial.
Sinabi naman ng abugado ni del Castillo na si Louie Ogsimer na hindi makakarating ang kanyang kliyente dahil naghahanda ito na sumailalim sa heart bypass sa Pebrero 27, matapos na mabigo ang unang operasyon nito.
Sa pagdinig ay inamin ni Isabelita Vinuya, miyembro ng mga nagrereklamong Malaya Lolas Organization, ang grupo ng mga babaeng ginawang comfort women noong panahon ng Hapon, na ang tanging nais nilang mangyari ay baliktarin ang Korte Suprema na nagbabasura sa kanilang kaso.
Naunang sinabi ni Vinuya na hindi ang pagtatanggal kay del Castillo ang nais nilang makamit kundi ang mabaliktad ang desisyon ng SC. Pero bago matapos ay sinabi nito na upang hindi na maulit ang pagkakamali ni del Castillo ay dapat siyang maalis sa puwesto.
Nais ng Lolas na maghain ng reklamo ang gobyerno para sa kanila upang makakuha ng hustisya sa kanilang sinapit.
Si del Castillo ay inakusahan ng pangongopya sa mga international authors na ginamit niya sa desisyon na nagbabasura sa reklamo kaya inaakusahan siya ng plagiarism.
Punto naman ni Ogsemer walang kasong plagiarism sa Pilipinas at ang pinakamalapit na kaso dito ay infringement of copyright kung saan exempted dito ang mga desisyon ng korte.