Defense team ni Corona kinastigo ng Impeachment Court

MANILA, Philippines - Kinastigo ng Senado bilang impeachment court ang mga abogado ni impeached Chief Justice Renato Corona dahil sa akusasyon na tinangka umanong suhulan ng P100 milyon ng Malacañang ang bawat senator-jud­ges  upang huwag sundin ang ipinalabas na temporary restraining order (TRO) ng Supreme Court tungkol sa dollar account ng chief justice.

Hinamon pa ni Senator-Judge Jinggoy Estrada ang depensa na magpaka-lalaki at pangalanan kung sino ang kanilang source sa diumano’y tangkang panunuhol ng P100 milyon.

Agad namang humingi ng paumanhin si Atty. Jose Roy sa impeachment court kung hindi umano malinaw ang kanilang naging pahayag.

Kaugnay nito, inutusan ng impeachment court ang depensa na magpaliwanag upang hindi ma-contempt.

Ayon kay Estrada, hindi dapat palampasin na lamang ang ginawa ng depensa dahil malaking insulto umano ito sa senado at sa mga senator-judges. Nauna ng sinabi ni Senator-Judge Panfilo Lacson na basura ang nasabing akusasyon ng depensa.

Samantala, sinabi naman ng prosecution panel na mistulang ‘hinostage’ ng kampo ni Corona ang Senator-Judges sa pamamagitan ng de-kalibreng abugado nito matapos ibunyag ang umano’y planong panunuhol umano sa mga ito ng P100 milyon para huwag sundin ang TRO ng SC.

Sinabi nina Rep. Sonny Angara at Rep, Miro Quimbo, hinostage ni Corona ang buong impeachment proceedings sa desperadong hakbang nito upang mapigil ang pagbubukas sa dollar account ni Corona sa paggamit ng umano’y reliable source.  

Show comments