Kiddie savings program sinimulan ng BDO

MANILA, Philippines - Huwag mabigla kapag nakakita kayo ng mga bata na nakapila para mag-deposit at mag-withdraw sa mga sangay ng BDO sa mga susunod na araw.

Inilunsad kamakailan ng BDO Unibank, Inc. ang isang bagong promo na naghihimok sa mga batang 12 taong gulang para magbukas ng savings account sa BDO na may initial deposit na P100 sa alinman sa 740 na sangay nito sa buong bansa. Ito ay bilang pagsuporta ng BDO sa Kiddie Account Program (KAP), isang proyekto ng Bangko Sentral Ng Pilipinas at ng Bank Marketing Association of the Phils. (BMAP). Sa parte nito, ang KAP ay sumusuporta naman sa Banking on Your Future Program (BOYF) na inilunsad ng BSP. 

Kaugnay nito, gagamitin ng BDO ang popular na Junior Savings Club (JSC) Accounts bilang instrumento para sa BOYF at dadagdagan rin ito ng mga insentibo para mas lalong makumbinse ang mga bata na mag-enrol. Halimbawa, kapag umabot na ang kanilang savings sa P500, ang account ay magiging regular na JSC account na kikita ng interest at pwede na ring magkaroon ng ATM card para sa mga batang 7 taong gulang pataas.

Ang mga magulang ay pwede ring mag-open ng account para sa mga bata (7 taon at pababa) sa pamamagitan ng “In Trust For” account habang hindi pa puwede ang mga batang ito na lumagda para sa kanilang sarili. Sa JSC variant, ang pagkakaroon ng kiddie savings account at ang oportunidad para makapag-impok ay mas lalo nang magiging madali para sa mga bata at kanilang mga magulang.

Para mas lalong ma­ging kaaya-aya sa mga bata, mamimigay din ng mga discounts at giveaways ang BDO sa mga SM establishments.

Show comments