100 intensity meters na tutukoy sa pagtama ng lindol ikinalat ng Phivolcs
MANILA, Philippines - Sisimulan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na magpakalat ng mahigit sa 100 intensity meters sa buong bansa para mapadali ang pagtugon ng lokal na pamahalaan kapag tumama ang lindol.
Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, ang intensity meter ay isang uri ng instrumento na simplified version ng mga seismograph na makapagbigay ng impormasyon kung gaano kalakas ang magaganap na pagyanig sa ibabaw ng lupa.
Aniya, mahalaga ang pagkakaroon ng intensity meter dahil sa pamamagitan nito ay malalaman agad ng mga responder at ng local government units (LGU) kung papaano sila tutugon sa lindol na tatama sa kanilang lugar.
Uunahing bigyan ng intensity meter ang mga lokal na pamalaan sa Metro Manila at mga kalapit na probinsya kung saan may 40 units ang ipagkakaloob nito.
Ang intensity meter ay may screen kung saan rerehistro kaagad ang intensity na tumama sa isang lugar. Nakakunekta din ito sa computer ng Phivolcs at lalabas agad sa mapa nila kung saan mabilis na makikita ng LGU, responder at ng media.
Target ng Phivolcs na masimulan ito ngayong taon.
Base sa pag-aaral ng Phivolcs noong 2004, may 13 porsiyento ng mga residential building ang magtatamo ng grabeng pinsala kapag nagkaroon ng malakas na lindol sa Metro Manila.
- Latest
- Trending