MANILA, Philippines - Umaasa ang Malacañang na hindi pababayaan ng kanilang mga employers ang 21 Filipino seamen na hinostage ng mga pirata sa Somalia noong nakaraang Martes.
Ayon kay Presidential spokesperson Edwin Lacierda, dapat lamang na tulungan ng kanilang mga employers ang mga Pinoy seamen upang masiguradong mapapalaya ang mga ito.
Tiniyak ni Lacierda na patuloy na inaalam ng Palasyo sa pamamagitan ng Departmenr of Foreign Affairs ang sitwasyon ng mga hinostage na seamen.
Ang mga hinostage na seamen ay sakay umano ng MV Free Goddess na isang bulk carrier, na nanggaling sa Egypt at patungo sanang Singapore. Naglalaman umano ng steel cable ang bulk carrier.
Umaasa rin ang Malacañang na makakalaya at ligtas na makakabalik sa kani-kanilang pamilya ang 21 Filipino seamen.