MANILA, Philippines - Sa kabila ng pagsisikap ng Tampakan local government unit na labanan ang mga aktibidades sa ilegal na pagmimina, bigo itong pagkalooban ng environmental compliance certificate (ECC) para sa panukalang Tampakan mining project.
“Pinangunahan ng aming alkalde ang pagsisikap para mapigil ang small-scale mining sa tulong ng puwersa ng mga barangay at pulisya,” ani Tampakan municipal environment officer Eileen Estrada.
Maraming namatay sa landslide kamakailan sa Pantukan, Compostela Valey na isinisi sa ilegal na small-scale mining activities sa lugar.
Inamin ni Estrada na masyado silang nasaktan sa hindi pagkakaloob ng ECC sa Tampakan project.
“Ginagamit ng mga namumuhunan sa ilegal na aktibidades na ito ang isyu sa hindi pagkakaloob ng ECC sa Tampakan project at ang mining moratorium para magtrabaho sa kanila ang mga residente,” ani Estrada.
Sinabi ni Estrada na hindi ito nakatutulong dahil ang mataas na presyo sa bilihan ng ginto sa Tampakan ay nakatutukso lalo kung ikokonsidera ang kakulangan sa oportunidad para sa kabuhayan sa kabundukan.
Idinagdag ni Estrada, may ulat na ang buying rate ng ginto sa Tampakan ay P1,800 kada onsa at mas mapanganib sa komunidad at kapaligiran ang ginagamit na paraan sa ilegal na pagmimina.