MANILA, Philippines - Hinamon ni Lingayen- Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz ang sinumang miyembro ng prosecution na may peso at dollar accounts.
Ang hamon ay ginawa ni Cruz matapos na hukayin ng prosekusyon ang 10 bank accounts ni Supreme Court Justice Renato Corona sa PSBank.
Ayon kay Abp. Cruz, dapat magsilbing halimbawa ang prosekusyon sa publiko at para ipakita na may kredibilidad sila sa kanilang pagpapanagot sa mga tiwali sa pamahalaan.
Naniniwala ang Arsobispo na hindi lamang ang punong mahistrado ang may nakakalulang halaga ng salapi sa mga bangko kundi maging ang malalaking pulitiko sa bansa.
Inihalimbawa ni Archb. Cruz ang lead prosecutor na si Rep.Niel Tupas na natuklasang mayroon umanong P50 milyong halaga ng mansion sa Xavierville Subdivision gayong P65,000 lamang ang buwanang sahod.
Kaugnay nito, sinabihan ni Abp. Cruz si Corona na kung wala syang itinatago at malinis ang kanyang konsensya ay siya na mismo ang mag-boluntaryong magbigay ng kanyang dollar account sa impeachment court.