MANILA, Philippines - Patikim pa lamang umano ang P20 milyon na nadiskubreng peso accounts ni Chief Justice Renato Corona sa Philippine Savings Bank (PSBank) noong 2010 kayat dapat na ring buksan ang dollar accounts nito para malantad ang iba pang kayamanan ng Punong Mahistrado.
Sinabi ng mga tagapagsalita ng prosekusyon na sina Reps. Miro Quimbo, Sonny Angara at Erin Tanada, hindi nila maubos maisip na mayroon lamang P22.9 milyon noong 2010 si Corona gayong nakabili ito ng tatlong condominium units na may mga halagang P27.2 milyon at pagkakaroon ng P20 milyon bank deposits ng katulad din taon.
“We have only hit the tip of the iceberg. What we feel is that the balances revealed in Wednesday’s trial were random samples of the chief magistrate’s hidden stash,” ayon kay Quimbo.
Paliwanag pa ni Tanada, ang collective contents ng dalawang bank accounts ay hindi nakalagay sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) para sa 2010 ni Corona, dahil dito kaya’t umapela ang mambabatas na buksan na ang foreign deposits ng Punong Mahistrado para sa interes ng katotohanan at transparency.
Nauna nang lumutang na mayroong dollar accounts si Corona sa PSBank na naglalaman ng US$700,000 o P30 million gayundin sa Bank of the Philippine Islands (BPI).
Idinagdag naman ni Angara na umaapaw ang pera ni Corona ng taon ding iyon dahil nagawa nitong bumili pa ng mamahaling unit sa Bellagio Tower sa The Fort, Taguig City gayung ang ending balance nito ng taong 2010 ay P20 milyon matapos mabili ang naturang ari-arian.
Bukod sa Bellagio property, nakabili din ang mag-asawang Corona ng unit sa Bonifacio Ridge sa Taguig city na nagkakahalaga ng P9.1 milyon noong 2004, at sa The Columns sa Makati City na P3.6 milyon noong 2003.