Articles of Impeachment 'masama' ang pagkagawa

MANILA, Philippines - Mistulang inilalaglag kahapon ni Rep. Rodolfo  Fariñas ang mga kasamahan sa prosekusyon matapos aminin na “masama” ang pagkakagawa ng Articles of Impeachment laban kay impeached Chief Justice Renato Corona.

Ito ay matapos na tanungin ni Senator-Judge Jinggoy Estrada si Fariñas kung binasa nito at pumirma sa impeachment complaint na sinagot naman ng mambabatas na hindi niya binasa ang power point presentation dahil slow reader siya hindi katulad ng kanyang mga kasamahan na fast reader.

Gayundin hindi siya pumirma sa reklamo laban kay Corona dahil masama ang pagkakasulat nito na sinabayan ng tawanan ng mga manonood sa plenaryo.

“Hindi po ako katulad ng ibang mga kasama ko na fast reader. Anyway marami naman po ang 188 na lumagda dito,” ayon pa kay Fariñas.

Sa isang press conference matapos ang impeachment proceedings, nilinaw ni Farinas na hindi niya sinabing depektibo ang pagkakagawa ng Articles of Impeachment at ang sinabi lamang umano niya ay “hindi gaanong maganda ang pagkakagawa” nito. 

Sinimulan na kahapon ang pagtalakay sa Article 3  kung saan kinukuwestiyon ang competence at integridad ni Corona. (Gemma Garcia/Malou Escudero)

Show comments