MANILA, Philippines - Pinangunahan ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang ginanap na motorcade sa lungsod upang ipaalala sa mga residente ang nalalapit na pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod.
Sinimulan ang motorcade sa EDSA, Caloocan City (fronting Max’s Restaurant) dakong alas 2:00 ng hapon noong Sabado kung saan ay nagtipon-tipon ang mga opisyal ng lungsod, city hall employees, non-government organizations at iba pang sektor at inikot nito ang mga lansangan sa siyudad.
Sumunod na inikot ng motorcade ang Caloocan North na sinimulan sa Quirino Highway sa harapan ng Guadonaville Subdivision dakong alas 2:00 ng hapon noong Linggo.
Ayon kay Echiverri, ang ginawang motorcade ay upang ipaalala sa mga residente ang nalalapit na pagdiriwang ng golden year anniversary ng pagkakatatag ng Caloocan City bilang lungsod sa darating na Pebrero 16 ng taong kasalukuyan.
Layunin din nito na imbitahan ang mga residente sa mga gaganaping malalaking programa tulad ng Kasalang Bayan, Family Day, Miss Caloocan at Miss Teen Caloocan, Gawad Recom at iba pa.
Sinabi pa ng alkalde, marami ring nakalaang proyekto ang lokal na pamahalaan na layuning makapagsilbi sa mga residente.