Pagbasa ng sakdal kay Abalos ipinagpaliban
MANILA, Philippines - Ipinagpaliban kahapon ng Pasay City Regional Trial Court ang pagbasa ng sakdal laban kay dating Commission on Election (COMELEC) Chairman Benjamin Abalos, dahil sa mga nakabinbing motion na isinampa ng kampo nito noong nakaraang linggo.
Sa Marso 7 muling itinakda ni Pasay City RTC Judge Eugenio Dela Cruz, ng Branch 117 ang arraignment kay Abalos matapos hilingin ng kampo ni Abalos na i-reset ang pagbasa ng sakdal laban dito hinggil sa kasong 11 counts electoral sabotage na isinampa ng COMELEC.
Sa nasabing kahilingan ay binigyan ng korte ng 10-araw ang prosecution panel upang magsumite ng kanilang posisyon sa inihaing motion to quash noong nakaraang Biyernes ni Abalos.
Habang limang araw naman ang ibinigay sa depensa para isumite ang kanilang sagot sa ihahaing position document ng prosecution.
Kaugnay, nito sumama naman ang loob ni Abalos sa naturang pagdinig dahil sa napakatagal aniya ng sampung araw upang sagutin ng COMELEC ang kanyang inihaing motion to quash gayung ang pagsasampa sa kanya ng kaso at pagpapakulong ay halos tinapos lamang ng dalawang araw.
Sinabi pa ng dating COMELEC chairman, bilang isang akusado na nakakulong hindi makatuwiran ang ginagawang pagpapatagal o delaying tactics ng prosecution panel para sa pagsusumite ng posisyon sa kanilang inihaing motion.
Hindi pa aniya siya napatutunayang nagkasala sa batas ay ikinulong na ng napakahabang panahon sa loob ng detention facility ng Southern Police District (SPD).
- Latest
- Trending