Subpoena sa bank accounts ni Corona pinayagan ng impeachment court
MANILA, Philippines - Pinayagan ng impeachment court ang supplemental petition ng kampo ng prosekusyon para ipatawag ang mga opisyal ng bangko kung saan sinasabing mayroong accounts si Chief Justice Renato Corona.
“The majority votes to grant the prosecution’s request for subpoena for representative officers of the PSBank and the BPI to testify and bring and/or produce documents on the alleged bank accounts of Chief Justice Corona,” ayon sa Senate resolution na binasa ni Senate Majority Floor Leader Vicente Sotto III.
Base sa 3-pahinang supplemental request for subpoena/reply ng prosecution, nais nito na maipalabas sa impeachment court na magkaiba ang detalye ng bank accounts nito sa mga inisyung tseke ni Corona at asawang si Cristina na ipinambayad sa kanilang mga biniling ari-arian.
Kabilang sa mga ipinapa-subpoena ng prosecution ay ang manager ng BPI Ayala Avenue branch at PS Bank-Katipunan branch.
Ayon kay Iloilo Rep. Niel Tupas, Jr., lead prosecutor sa kanilang petisyon na noong 2009 ay P2.5 milyon lang ang idineklarang cash at investment ni Corona sa bangko kaya kwestyunable umano kung saan kinuha ang ipinambayad nito sa condominium unit sa Bellagio na pag-aari ng Megaworld.
Batay sa mga isinumiteng dokumento ng prosekusyon sa Senado, dalawang beses na nagbayad si Corona ng BPI cheque sa Megaworld na nagkakahalaga ng P5 milyon at P4.5 milyon na parehong inisyu noong 2009.
Ngunit sa panig ng depensa ay sinabi ni Atty. Karen Jimeno na nabili ng mag-asawang Corona ang kanilang mga ari-arian sa legal na paraan kabilang ang mga unit sa The Fort, Taguig City.
Iginiit ni Jimeno na wala silang nakikitang pagkakaiba sa statement of assets and liabilities and networth (SALN) at Income tax return (ITR) ni Corona.
Binanggit pa nito ang pagkapahiya ng prosekusyon noong nagdaang Huwebes kung saan inamin ni Tupas na hindi 45 kungdi nasa 24 lamang ang ari-arian ni Corona taliwas sa mga naunang lumabas sa balita.
- Latest
- Trending