MANILA, Philippines - Nahaharap ngayon sa kasong kriminal at administratibo ang mga opisyal ng Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13) dahil sa umano’y pagbibigay ng pabor sa isang kumpanya noong 2010.
Sinampahan ni Percival Mabasa o Percy Lapid, sa Office of the Ombudsman ang mga opisyal ng IBC-13 na sina Jose Javier, Joselito Yabut, Conrado Limcaoco, Jr. at iba pa ng kasong graft and grave misconduct dahil sa umano’y pagbebenta at pagdi-dispose ng prime property landholdings na may sukat na 4.14 hektarya ng walang public auction o bidding at hindi rin umano aprubado ng Asset Privatization Council (APC) ng pamahalaan.
Sa kaniyang reklamo sa Ombudsman, sinabi ni Mabasa, director ng National Press Club (NPC), radio anchorman ng dwIZ, kolumnista, crusader laban sa graft and corruption at founder ng Kilusan Ng Mamamayan Para Sa Tuwid Na Daan (KAPATID), na ang naturang deal ay ‘highly disadvantageous’ sa pamahalaan.
Iginiit din ni Lapid sa kanyang reklamo na hindi kumuha ang IBC-13 officials ng pag-apruba mula sa APC ng pamahalaan bago isagawa ang execution ng deed of assignment na mandatory sa ilalim ng batas.
Aniya, ikinukonsidera rin umano itong isang midnight deal matapos isagawa bago ang pagtatapos ng termino ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Ang IBC-13 ay television company na sinikwester ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) nang maupo sa puwesto si dating Pangulong Corazon Aquino noong 1986.