MANILA, Philippines - Hiniling ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo sa Commission on Elections (Comelec) na magsagawa ng panibagong voters’ registration sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) bilang preparasyon sa gagawing halalan sa lugar sa susunod na taon.
Sa sulat ni Robredo kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, sinabi nito na ang bagong round na voters’ registration sa ARMM ay makakatulong para pasimulan ang reporma sa lugar.
Hiniling din ng kalihim sa Comelec na pag-aralan ang trabaho ng mga election officers sa ARMM, lalo na ang mga sangkot sa pang-aabuso sa tungkulin noong nakaraang election.
Ang ARMM election na orihinal na itinakda para sa August noong nakaraang taon ay ipinagpaliban sa May 2013 matapos na lagdaan ni President Aquino ang Republic Act 10153, o ang batas na nagpapaliban sa halalan sa rehiyon.
Nitong December 2011 ay itinalaga ni Aquino ang dating Anak Mindanao party-list Rep. Mujiv Hataman bilang officer-in-charge governor ng ARMM.
Ang ARMM ay nabuo noong 1989 sa bisa ng Republic Act 6734 ang Organic Act, na kinabibilangan ng probinsya ng Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, Tawi-Tawi at Sulu.