MANILA, Philippines - Umapela kahapon si House Speaker Feliciano Belmonte sa pamilya ng yumaong si Negros Occidental Rep. Iggy Arroyo na ayusin ang kanilang iringan bilang respeto na rin sa namayapang mambabatas at upang maisaayos na rin nila ang ilalaang necrological services kay Arroyo sa Kongreso.
Nilinaw naman nito na hindi nakikialam ang Kamara sa isyung legal sa pagitan ng naging karelasyon ni Arroyo na sina Alicia “Aleli” Morales, legal na asawa ni Iggy at ni Grace Ibuna sa usapin ng pagbabalik ng mga labi ng mambabatas sa bansa.
Ang reaksyon ay ginawa ni Belmonte kaugnay sa pahayag ni Atty. Lorna Kapunan, abogado ni Alicia na hihingi siya ng tulong sa Kamara matapos mabigong maiuwi ang bangkay ni Iggy.
Sinabi ni Kapunan na sumama kay Aleli sa London noong Pebrero 1 para iuwi sa bansa ang bangkay, na hindi ito pinayagan ni Ibuna sa pagnanais na ma-cremate ang labi roon.
Sa pag-aakalang maiuuwi ang bangkay ni Iggy, inaasahan ni Aleli na madadala ang labi sa kanilang tahanan sa La Vista Subd., sa Quezon City para sa burol mula Pebrero 4-7 at necrological services sa Kamara sa Pebrero 7.
Pagkatapos nito ay nakatakda sanang i-uwi ang mga labi ng mambabatas sa Negros Occidental sa Pebrero 8 at ibabalik muli ng Pebrero 9 sa La Vista bago ilibing ng Pebrero 11 sa Manila North Cemetery subalit naipa-crimate na raw ito ni Ibuna sa London.
Namatay si Iggy noong Enero 26 sa London matapos atakihin sa puso habang nagpapagamot sa kanyang sakit na liver cirrhosis mula pa noong nakalipas na taon.