MANILA, Philippines - Target umanong makagawa ng panibagong record sa Guinness Book of World Records ang aerobic dance ng Department of Health (DOH) bilang largest dance group sa buong mundo.
Si Pangulong Aquino ang gagawing lead dancer ng DOH para sa sabayang aerobic exercise sa Hulyo.
Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, gagawing major program ang JAM Step dahil ito ay nagpo-promote ng healthy lifestyle sa mga kabataan.
Ang nasabing ehersisyo o JAM Step ay ang programang itinataguyod ngayon ni Bacolod Lone District Rep. Anthony Golez.
Sa Hulyo naman sisimulan ng nasabing tanggapan ang programa kung saan ang lungsod ng Bacolod ang gagawing main stage at pupunta rin si Presidente Aquino na siyang mamumuno sa gagawing sabayang pagsayaw o ehersisyo.
Ayon pa kay Golez, sinabi umano ni Ona sa kanya na ang paglalagay kay PNoy bilang lead dancer ang sumisimbolo ng matinding kampanya ng DOH para sa healthy lifestyle ng mga Pilipino.
Patuloy na tinataguyod sa lungsod ng Bacolod ang JAM Step kung saan ito ay sinusuportahan ng mga paaralan sa elementarya at sekondarya.
Gaganapin naman sa darating na Pebrero 12 ang sabayang pag-ehersisyo ng libu-libong mga estudyante sa lumang airport ng lungsod.