MANILA, Philippines - Kapag nagkataon, instant millionaire ang tipster na nagbigay daan sa pagkakapatay sa dalawang top leader ng JI terrorist at Abu Sayyaf commander na kabilang sa 15 teroristang napatay sa air strike operation ng Philippine Air Force (PAF) sa Sulu noong Huwebes ng madaling araw.
Gayunman, tumanggi si AFP Public Affairs Office Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr. na tukuyin ang kanilang tipster at kung ilan ang mga ito bunga na rin ng isyu ng seguridad.
Aminado naman si Burgos na matatagalan pa ang proseso bago maibigay ang nasabing reward dahil kailangan pa rito ng pruweba tulad ng DNA test sa mga sample ng kanilang labi.
Bukod dito, nagkadurog-durog ang mga bangkay na nadatnan ng tropa ng militar katuwang ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) at mga forensic expert na nagtungo sa liblib na kagubatan ng Duyan Kabau, Parang, Sulu na siyang kuta ng mga bandido na binomba ng OV 10 bomber plane ng PAF.
Pinaniniwalaang nagawa ng mailibing ng Abu Sayyaf ang namatay nilang mga kasamahan alinsunod sa tradisyon ng mga Muslim na ilibing ang kanilang mahal sa buhay sa loob ng 24 oras.
Samantala, pakay ngayong hukayin ng tropa ng militar ang pinaglibingan sa mga bangkay upang patunayan na napatay nila ang mga target na lider ng mga terorista.
Kabilang sa 15 napatay sa air strike sina Gumbahali Jumdail alyas Doc Abu Pula, commander ng Abu Sayyaf at ang dalawang lider ng JI terrorist na sina Zulkipli Bin Hir alyas Marwan at Muhammad Ali bin Al-Rahman alyas Mauyiah.
Samantala, nagpadala na ang Malaysian Police ng special team upang tumulong sa mga forensic expert ng pamahalaan na makumpirma ang pagkakapatay sa dalawang JI terrorist na miyembro rin ng Sabah Darul Islam.