Grace Lee, P-Noy lantaran na ang relasyon

MANILA, Philippines - Matapos aminin ni Pangulong Benigno Aquino III na lumalabas sila ng Fil-Korean news anchorwoman ng GMA 7 na si Grace Lee ay inilantad na nila ang kanilang ‘date’ sa publiko matapos parehong dumalo ang mga ito sa isang ani­bersaryo ng newspaper kamakalawa ng gabi sa Maynila.

Naunang dumating si Pangulong Aquino sa anibersaryo ng isang pahayagan ng dumating din si Miss Lee na nakasuot ng kulay pulang dress.

Agad nakipag-besobeso si Pangulong Aquino sa kanyang bagong ‘apple of the eye’ na si Grace Lee.

Magkasabay na umalis ang Pangulo at si Grace kung saan sumakay ito sa iisang kotse bandang alas-7:30 kamakalawa ng gabi sa nasabing event.

Samantala, sinabi naman ni Ms. Lee sa kanyang mga co-anchor sa Balitanghali sa QTV 11 na ang kanyang pinaghahandaan ay hindi ang darating na ‘valentines day’ kundi ang kaarawan ng Pangulo sa darating na Feb. 8 kung saan ay magiging 52 anyos na ang binatang chief executive.

Magugunita na inamin ni P-Noy sa media interview sa anibersaryo ng Philippine Information Agency (PIA) sa Quezon City noong Martes na lumalabas at nagkikita sila ng 29-anyos na dalagang news anchor.

Unang nakita ni P-Noy si Grace Lee ng ma­ging emcee ito sa inagurasyon ng Korean Electric Power Plant sa Cebu noong nakaraang taon at ang pagpapaunlak ng Pangulo ng one-on-one interview ng Fil-Korean para sa kanyang radio program sa Magic 89.1 FM noong Disyembre 23 ng nakaraang taon.

Inamin din ni Lee na nag-dinner sila ng Pa­ngulo matapos ang ibi­nigay na state dinner ni PNoy para sa bumisitang Thai Prime Minister Ying­luck Shinawatra at nagkape sila sa isang fastfood chain sa Ortigas.

Samantala, pinayuhan ni Sen. Chiz Escudero si Kris Aquino na huwag unahang mag-asawang muli ang kanyang kuya Noynoy matapos ma-anull ang kasal nito kay James Yap.

Show comments